Sunday, March 21, 2010

Walang Sugat: Salamin ng Kalayaan, Bahagi ng Kasaysayan


Tunay na nakapagpakita ng larawan na sumasalamin sa mga pangyayari noong nasa ilalim pa ang Filipinas sa pananakop ng mga Kastila ang sarswelang ‘Walang Sugat’ ni Severino Reyes. Naipakita sa likod ng pag-iibigan ng mga bidang si Tenyong at Julia ay isang rebolusyon na tuluyang ipinaglalaban hanggang sa makamtan. Nagpakita ito ng dalawang magkaibang pangyayari ngunit sumisimbolo sa iisa lamang.
Naging matagumpay ang ‘Walang Sugat’ upang maipaunawa sa mga manonood ang halaga ng kalayaan sa pamamagitan ng paggamit ng pag-ibig bilang pangunahing tema ng sarswela. Mas tinatangkilik at pinapanood ang ganitong pamamaraan ng pakikinig sa isang kwento sapagkat mas kapana-panabik ang naibibigay nitong aliw. Isang larawan ng kalagayan ng Filipinas sa ilalim ng pananakop ng mga Kastila ang pag-iibigang Tenyong at Julia. Maaaring maihambing ang Filipinas kay Julia at ang mga Kastila naman sa kanyang mapapangasawa at magulang. Si Tenyong naman, na siyang kanyang kalaguyo ang sumisimbolo sa mga Pilipino. Naipit siya sa isang sitwasyon na napakahirap kung takasan sapagkat tutol ang kanyang magulang sa pag-iibigan nila ni Tenyong. Gayunpaman, hindi pa rin nila hinayaang masira ang kanilang relasyon. Ipinaglaban nila ito ng hanggang sa huli at matagumpay na nakamit ang inaasam-asam na pag-iibigan. Katulad ng sa kalagayan ng Filipinas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, halos wala nang takas ang mga Pilipino sapagkat nakapailalim sa pananakop sa loob ng napakatagal na panahon sa ilalim ng mga makapangyarihang bansa. Hindi sila sumuko at patuloy na minahal ang isa’t isa kahit pa magkalayo at tumupad sa kanilang salitaan sa araw na kanilang napag-usapan. Makikita rito ang determinasyon ng magsing-irog upang makamit ang kanilang inaasam-asam na pag-iibigan. Hindi sumusuko at patuloy na nakikipaglaban upang makamit ang asam na kalayaan katulad ng determinasyon ni Tenyong upang maibalik at mabawi ang minamahal.
Naging mainam na paraan ang sarswelang ‘Walang Sugat’ sa pagpapakita ng kalagayan at determinasyon ng mga Pilipino noong unang panahon at ang mga bagay na makakamit mula sa pagtitiyaga at pakikipaglaban sa anumang paraan. Mahusay nilang napagtagumpayan ang kanilang mga asam sa huli. Nakamit ang kalayaan nang magwagi ang grupo ni Tenyong laban sa mga kalabang Kastila at nakamit niya ang kanyang mithiing makaisang dibdib si Julia, ang tanging babaeng inibig niya mula bata hanggang sa pagtanda. Tinuturo sa atin ng sarswelang ito na may mabuting maidudulot sa atin ang ating pagkamakabayan at ang pagiging matiyaga, hindi sumusuko sa anumang laban. Maaari ngang sabihing tandaan o kalimutan na lamang ang nakaraan pagkat tapos na, ngunit walang pinipiling panahon ang aral na naidulot ng sarswela. Siguro may mga bagay tayong maaaring maihambing sa mga pangyayari ng nakaraan. Tulad na lamang ng pagtupad sa ating mga pangarap, walang ibang pinangarap ang mga Pilipino noong unang panahon kundi ang makamit ang kalayaan. Maihahambing natin ang ating mga sarili sa ganitong sitwasyon sa kasalukuyang panahon. Marami tayong mga pangarap na nais abutin, nararapat lamang na masikap tayo at matiyaga sa pagtupad nito, samahan na rin ng paglakip ng katakut-takot na pag-asa at determinasyon. Lagi lang nating tandaan na ang mga aral sa ating buhay ay walang pinipiling panahon, mapasangayon man ito o noong unang pang panahon.

1 comment: